CDRRMO, nakiusap sa publiko na ‘wag agad maniwala sa kumakalat na posibleng muling malakas na pagyanig ngayong hapon 

Nakikiusap ngayon ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng fake news matapos ang malakas na pagyanig kagabi.

Ayon kay CDRRMO head Ret. Col. Alfredo Baloran, may kumakalat na ngayon na text messages na umano’y may malakas na pagyanig na naman na magaganap mamayang alas-3:00 ng hapon.

Base sa report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), inaasahan na ang mga aftershocks, matapos ang magnitude 6.3 na tumama sa Tulunan, North Cotabato kagabi, ngunit wala pang makinarya na makakapagsabi kung kailan at saan magkakalindol.

Una nang nagkagulo ang mga residente mula sa 16 na coastal barangays sa Davao City, matapos kumalat ang balita hinggil sa tsunami.

Muling pinapaalalahanan ng opisyal, na huwag agad maniwala sa kumakalat na balita, lalo na kung hindi ito mula sa mga concerned agencies, gaya ng PHIVOLCS at Office of Civil Defense (OCD).