CDO, nawalan ng isang promising son sa pagkamatay ni PMA Cadet Dormitorio

Nagpahayag na rin ng kanyang sentimyento si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar kaugnay ng pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio na kanyang kababayan sa Cagayan de Oro.

Ayon kay Andanar, personal siyang nakakaramdam ng galit dahil sa sinapit ni Dormitorio, at kanya aniyang kinukondena ang pagkamatay ng kadete dahil sa hazing.

Sinabi ng kalihim, na nawalan ng isang “promising son” ang Cagayan de Oro at umaasa siyang mapapanagot ang mga nasa likod ng hazing na nauwi sa pagkamatay ng dalawampung taong gulang na kadete.

Ito na sana ang huling pagkakataon ayon kay Andanar, na may masisirang pangarap bunsod ng trahedyang dulot ng hazing na aniya ay dapat ng matuldukan.

Nagpahatid din ng kanyang pakikiramay ang kalihim sa mga naiwang pamilya, kaibigan at kaklase ng kanyang kababayan na si Cadet Dormitorio.