CCTV ng pagbisita ng pamilya Sanchez sa Bilibid, pina-subpoena ng Senado

Pinapa-subpoena na ng senado ang kopya ng CCTV ng pagdalaw ng pamilya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa National Bilibid Prison (NBP).

Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon, ipapakuha nila ang kopya ng mga CCTV record at logbook ng lahat ng naging pagdalaw ng pamilya Sanchez sa Bilibid.

Ito aniya ay upang matiyak kung totoo ba ang pahayag ni Mrs. Elvira Sanchez, common law wife ni Mayor Sanchez, na unang beses lamang niyang nakilala si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon noong August 21.

May duda kasi si Gordon na matagal nang magkakilala ang dalawa.

Bukod dito, pinunto rin ni Gordon na kaduda-duda ang timing ng pagsira ni Ginang Sanchez ng kanyang cellphone at sim card kung saan niya natanggap ang diumano’y text na makakalaya na ang dating alkalde noong August 20.

Sinabi naman ng senador na sakaling mapatunayang nagsisinungaling, maaaring makasuhan ng perjury ang pamilya Sanchez at si Faeldon.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig bukas tungkol sa usapin ng Good Conduct Time Allowance (GCTA), inaasahang ipipresenta na ang mga CCTV footage na ito.