CBCP, ipinagmamalaki ang mga viral na mga bayaning seaman

Kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kabayanihan ng mga marinong Pilipino na sumagip sa mga refugee sa Mediterranean Sea.

Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos ng CBCP Migrants Ministry at Bishop Promoter ng Stella Maris Philippines, sa kabila ng mapanganib na sitwasyon ay pinairal ng mga Pilipinong marino ang pagiging matulungin.

Ang ginawang rescue operations sa Mediterranean Sea noong Hunyo 7, 2021 ay unang nag-viral  sa social media post ni Mykel Angelo Genilo na isa sa mga crew ng MV Fleur N.

Inilahad ni Genilo na nakatanggap ng impormasyon ang kanilang barko mula sa Augusta Italian Coastal Navy na may madadaanan itong barkong palutang-lutang na patungong Italya.

Lulan ng barko ang 86 na refugees mula Egypt patungong Italy upang maghanap ng trabaho subalit nasira ang makina ng barko dahilan upang magpalutang-lutang ng ilang araw sa karagatan.

Binigyang diin ni Bishop Santos na dapat maipagmamalaki bilang Pilipino ang kabayanihang ginawa ng mga marino.