Cash sssistance para sa 10-M mahihirap na pamilya, ipinamamadali na ng mga senador

Ipinamamadali na ng mga senador sa gobyerno ang pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mahihirap na pamilya ngayong mataas ang presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin.

Partikular na tinatawagan ng pansin ni Senador Loren Legarda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga partner nitong bangko para apurahin ang unconditional cash transfer na iniuutos ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law.

Sa batas na ito, bibigyan ngayong taon ng P200 kada buwan ang 10 milyong pinakamahihirap na pamilya. Magiging P300 na ito sa 2019 at 2020.

Ayon kay Legarda, chairperson ng Senate Finance Committee, kailangang gumawa ng paraan ang DSWD para mapabilis ang distribusyon ng cash assistance.

Samantala, ipinamadadali naman ni Senador Grace Poe, chairperson ng Senate Public Services Committee ang pagbibigay ng cash voucher o Pantawid Pasada sa may 180,000 na mga jeepney driver at franchise holder.

Ayon kay Poe, hindi dapat magtagal ang pagbibigay ng Pantawid Pasada dahil may pondo ito ngayong taon na 977 milyong piso.

Sa isang panayam, sinabi ng Department of Transportation na ginagawa pa ang guidelines para sa Pantawid Pasada Program at malamang na ngayong Hunyo ito matatapos. | ulat ni Jojo Ismael