Cash for work program sa Boracay Island, popondohan ng higit sa P30M ng DSWD — DSWD OIC Emmanuel Leyco

Abot sa P34 milyong pisong pondo ang ilalaan ng Department of Social Welfare and Development para s a ipapatupad na Cash for Work Program sa mga pamilya na apektado ng closure sa Boracay island.

Ayon kay DSWD OIC Emmanuel Leyco, gagamitin ang pondo para pangsweldo sa mga benepisyaryo sa loob ng 11 araw na programa habang isinasailalim sa rehabilitasyon ang isla.

Bawat benepisyaryo na nagtatrabaho ay bibigyan ng sahod na P323.50 pesos kada araw alinsunod sa regional minimum daily wage na itinakda ng Department of Labor and Employment.

Bukod pa ito sa kabuuang P192 milyong pisong pondo na kakailanganin para sa skills training sa micro-enterprise development at employment facilitation kung saan bibigyan ng tig P20,000 ang bawat benepisyaryo.

Aniya, naglabas na ng datos ang munisipalidad ng Malay kung saan abot sa 30,000 katao ang apektado ng closure.

Sa nasabing bilang abot sa 17,328 ang nakarehistro na local at foreign workers habang ang mga unregistered workers ay tinatayang mahigit sa 11,000. | via Rey Ferrer