Cash-based budgeting system, malaking hamon para kay DPWH Sec. Villar

Malaking hamon para kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar ang bagong cash-based budgeting system na ipatutupad ng pamahalaan sa susunod na taon. Sinabi niya ito sa kasagsagan ng budget hearing sa Senado.

Ayon kay Villar, binago o ini-adjust ng kanyang ahensya ang budget proposal nito upang ma-cover ang mga proyekto kung saan ikakalat ang pondo sa loob lamang ng isang taon.

Sa ilalim kasi ng cash-based budget system, kinakailangan gastusin at tapusin ng isang ahensya ang proyekto nito sa isang taon.

Sagot naman ni Villar sa tanong ng ilang senador patungkol sa mga proyekto na tatagal ng higit isang taon, ilalagay niya ito sa multi-year obligation authority o MYOA.

Sa kabila ng adjustment sa mga proyekto, kumpiyansa ang kalihim na maipatutupad ang proyekto nito nang maayos alinsunod sa bagong sistema sa paggamit ng pondo.

Bukas nakatakdang ipagpatuloy ang pagdinig hinggil sa proposed budget ng DPWH para sa 2019. | ulat ni Czarinah Lusuegro