Cash assistance, ipapamahagi sa hog raisers sa QC na apektado ng ASF 

Sisimulan na ngayong araw ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pamamahagi ng cash assistance sa mga hog raiser na naapektuhan ng African Swine fever (ASF) virus.

Ayon sa alkalde, aabot sa 146 baboy ang pinatay sa Brgy. Bagong Silangan at lahat ng mga nagmamay-ari nito ay binigyan ng ayuda.

Sa bawat isang baboy ay P3,000 ang ibibigay at karagdagan pang P1,500 na financial assistance.

Plano din ng pamahalaang lungsod ng QC, na magbigay ng scholarships at livelihood sa mga apektadong pamilya na illegal hog raisers.

Bilang preemptive measure, una nang ipinag-utos ng alkalde ang culling o pagpatay sa mga baboy sa Sitio Veterans sa Area 5 at Oriole sa Area 2 sa nasabing barangay.

Ang mga blood sample na isinumite sa Bureau of Animal Industry (BAI) ay kinumpirmang positibo sa ASF.

Samantala, kumuha na rin ng blood sample ang mga tauhan ng Bureau of Animal Industry sa ilang baboy sa Lupang Pangako sa Barangay Payatas.

Nais malaman ng BAI kung infected na rin o hindi pa ang mga baboy sa nasabing barangay.