Case build-up laban sa mga pulis na kasama sa drug matrix ng Pangulo, isusulong ng PNP

Isusulong ng Philippine National Police (PNP) ang case build up laban sa mga pulis na tinukoy sa huling drug matrix ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson CSupt. Benigno Durana matapos ilabas ng Pangulo ang matrix ng umano’y sindikatong involved sa pagre-recycle ng droga na kinabibilangan ng anim na pulis opisyal at ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director III Ismael Fajardo Jr.

Sa anim na pulis opisyal na isinasangkot, tanging si Sr. Supt Eduardo Acierto ang nauna nang kinasuhan at na-dismiss dahil naman sa maanomalyang paglilisensya at pag-release ng 1,400 AK 47 na para sana sa mga mining companies pero napunta sa New People’s Army (NPA).

Habang ang lima pang ibang pulis na sina:
SSupt. Leonardo Suan, PInsp. Conrado Caragdag, SInsp. Liro Pirote, Supt. Lorenzo Bacia at SPO4 Alejandro Liwanag, ay hindi pa nakasuhan at aktibo pa rin sa serbisyo.

Ayon kay Durana, bilang pangunang hakbang ay inalis na sa mga sensitibong posisyon ang mga naturang pulis at inilipat ng pwesto habang on going ang imbestigasyon sa mga ito.

Paliwanag ni Durana, bilang bahagi ng due process, hindi tatayo sa korte ang ‘raw intelligence information’, kaya kailangang isagawa ang case-build up para may matibay na ebidensyang maiharap sa korte laban sa mga ito.  | ulat ni Leo Sarne