Career guidance & counselling program, malapit nang ipatupad sa lahat ng eskwelahan sa bansa

Malapit nang ipatupad sa lahat ng pampubliko at pribadong sekondaryang paaralan sa bansa ang isang “career guidance and counselling program.”

Ito’y makaraang makapasa sa Senado ang House Bill 5576 na layong bigyan ng kakayahan ang lahat ng high school students na gumawa ng “educated career decisions” at malantad sa mga kaugnay na labor market.

Ayon kay Sen. Chiz Escudero, chair ng Senate Committee on Education, Arts and Culture, ang pagsasabatas ng naturang panukala ay sisiguro na lahat ng nagtapos sa kolehiyo ay matugunan ang mga requirement ng gobyerno, ng industriya, at ng ekonomiya.

Sa ilalim nito, ang “career guidance and counselling program” ay sisimulan sa Grade 7 level at magiging “pre-requesite” sa lahat ng senior high school students bago gumradweyt.

Ang Department of Education (DepEd), sa pamamagitan ng National Education Testing and Research Center, ang magsasagawa ng isang annual assessment sa mga mag-aaral sa angkop na lebel upang ma-assess ang kanilang aptitude, skill o inclination.

Ang nasabing assessment naman ang magsisilbing gabay ng mga estudyante sa pagpili ng kanilang karera. | ulat ni Ched Oliva