Cardinal Tagle, pangungunahan ang isang misa para sa paggunita bukas sa kamatayan ni Cardinal Santos na nanguna sa rebuilding ng Manila Cathedral

Isang eucharistic celebration ang pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bukas, September 3, ng alas-6:00 ng gabi sa Manila Cathedral.

Ito ay para sa paggunita sa ika-45 taong anibersaryo ng kamatayan ni Cardinal Rufino J. Santos kung saan masasaksihan ang makasaysayang pagkakataon ng pagtataas sa ‘galero’ o pulang sombrero ng yumaong kardinal.

Ang selebrasyon ay bilang pagbibigay pugay na rin kay Cardinal Santos at sa iba pang indibidwal na nanguna sa rebuilding ng Manila Cathedral na binansagang ‘Mother Church’  may 60 taon na ang nakalipas.

Si Cardinal Santos o mas kilala sa tawag na Padre Pinong ay unang itinalagang Manila Archbishop taong 1953.

Tinanggap niya ang ‘galero’ mula kay Pope John XXIII at naging kauna-unahang Kardinal na Pilipino.

Kabilang sa pinangunahang proyekto ni Cardinal Santos ang pag-organisa ng Catholic Charities (Caritas Manila), Radio Veritas at ang pagpapatayo ng bagong gusali ng San Carlos Seminary at Guadalupe Minor Seminary sa Makati City.

Pinasimunuan rin nito ang reconstruction ng St. Paul Hospital na ngayon ay Cardinal Santos Medical Center, Pope Pius XII Center at Collegio Filippino sa Roma.  | ulat ni Shane Juan