Capability building ng AFP, tuloy tuloy kahit itigil ang tulong mula sa Amerika

Walang epekto sa capability building program ng Armed Forces of the Philippines kung ititigil ang Security assistance mula sa Estados Unidos.

Ayon Kay Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Cirilito Sobejana, kung magkataon ay magpapatuloy pa din ang AFP modernization program sa pamamagitan ng pag-“adopt” ng Self Reliant Defense Posture.

Sinabi ni Sobejana na ang pagsulong ng panukala sa US Congress na itigil ang tulong panseguridad sa Pilipinas dahil umano sa mga human rights violations sa bansa, ay senyas na panahon na para maging “self reliant” ang Pilipinas sa larangang pandepensa.

May atas na aniya ang Pangulo na gawing revenue generating assets ang mga ibang kampo ng Militar para pang tustos sa AFP modernization.

Nilinaw naman ni Sobejana na sakaling itigil ang US security assistance, hindi ito makakaapekto sa mga existing bilateral agreements ng Pilipinas sa Amerika.

Sa panig aniya ng Philippine Army ay mananatili ang kanilang magandang working relationship sa kanilang US counterpart.