Canteen sa ilang public schools sa Quezon City, ininspeksyon ng QC Health Department

Desidido ang Quezon City Health Department na ipatupad ang ordinansa ng city government at Department of Education (DepEd) order na nagbabawal sa pagbebenta ng mga junk food at sugary drink sa loob at labas ng mga paaralan.

Ngayong umaga, unang isinailalim sa surprise inspection ng grupo ni QC Health Dept. Head Dr. Verdades Linga ang Pasong Tamo Elementary School sa Tandang Sora at tiningnan ang mga pagkain sa loob ng canteen.

Sinabi ni Dr. Linga, lahat ng eskwelahan na makikitaan ng paglabag ay papatawan ng kaukulang kaparusahan.

Maging ang mga tindahan at sidewalk vendor na nasa labas pero nasa loob ng 100 metro mula sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan ay mahaharap din sa kahalintulad na kaparusahan hanggang sa pagkumpiska ng kanilang paninda.

Lahat ng mahuhuling lumabag ay mahaharap sa multa na P1,000 sa unang offense, P2,000 sa pangalawang pagkakataon at P5,000, pati pagtanggal sa business permit sa pangatlong pagkakataon.

Nakapaloob sa QC Ordinance No. 2579 ang mahigpit na ipinagbabawal sa mga estudyante mula preparatory, elementary hanggang high school ang pagkain ng matatamis, junk foods at inuming matatamis at mga street foods.

Layon nito na mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

Ang QC ordinance ay ipinasa ng QC Council noong taong 2017 habang ang DepEd order naman ay unang inilabas noong taong 2007. | ulat ni Rey Ferrer