CamSur Rep. Villafuerte, minungkahing payagang makapasok sa EDSA ang prov’l buses tuwing non-peak hours

Minungkahi ni Camarines Sur Representative Luis Ray Villafuerte na imbes na total ban ay payagan pa ring makapasok sa EDSA ang mga provincial bus tuwing non-peak hours.

Ito ang naging suhestiyon ng mambabatas bilang isa sa mga resource person sa ginagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Services tungkol sa planong provincial bus ban sa EDSA, gayundin ang lumalalang bigat ng daloy sa nasabing major thoroughfare.

Giit pa ni Villafuerte, bilang isa sa mga kinatawan ng mga taga-probinsya, kawawa lang ang taumbayan lalo na ang mga probinsyanong lumuluwas sa Metro Manila sa panukala ng MMDA, dahil magdodoble sakay pa sila para makapasok ng kamaynilaan.

Gayunpaman, giit ni MMDA General Manager Jojo Garcia, na malaki ang iluluwag ng EDSA kung matatanggal ang mga provincial terminal dito.

Isa sa mga pinunto ni Garcia ang mallit na espasyo ng mga terminal na ito para sa bilang ng kanilang bus unit.

Dahil dito, ginagawa nilang paradahan ang mga secondary road sa paligid ng kanilang terminal na maaari sanang gawing alternatibo o gawing exit points ng mga sasakyan galing EDSA.

Kinontra rin nito ang batikos na anti-poor ang provincial bus ban scheme.

Aniya, pinaka layunin nito ang paluwagin ang yellow lane sa EDSA kaya ang makikinabang dito ang mga regular commuter na araw-araw bumibiyahe sa pangunahing kalsada.

Mas convenient rin aniya ito para sa mga manggagaling ng probinsya dahil mas maayos ang kanilang bababaan at sasakyan ng mga public transport patungo sa kanilang eksaktong pupuntahan.