Camp Aguinaldo, naka-red alert

Nakataas ngayon ang red alert sa Camp Aguinaldo.

Ayon sa Public Affairs Office, itinaas nila ang red alert kahapon pero wala itong kaugnayan sa isyu kay Senador Antonio Trillanes.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang red alert status ay normal nilang itinataas sa tuwing umaalis ang Pangulo sa bansa.

Sa ngayon ay tahimik sa Camp Aguinaldo at wala pang paggalaw ngayon sa AFP Custodial Center.

Mahigpit pa rin ang ipinatutupad na seguridad sa Custodial Center at nakabantay ang military police, miyembro ngĀ  Bureau of Corrections (BuCor) at Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF).

Ayon kay Defense Spokesperson Arsenio Andolong, kung sakaling makulong si Senator Antonio Trillanes sa Custodial Center ay makakasama niya ang mga nakakulong din na sundalo, terorista at mga rebelde. Wala naman na aniyang mga drug lord na nakakulong doon.

Kahapon, sinabi ng Department of National (DND) na handa na ang magiging kulungan ni Trillanes sa loob ng Custodial Center. | ulat ni Leo Sarne