Caloocan Police na nahatulan sa Kian delos Santos murder case, ‘di bibigyan ng pardon ng Pangulo – Malacañang

Walang aasahang Presidential pardon ang tatlong pulis Caloocan na hinatulan kanina ng korte kaugnay ng kaso ng pagpatay kay Kian delos Santos.

Ito ang binigyang-diin ngayon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kasunod na rin ng conviction verdict ng Caloocan RTC Branch 125 laban kina PO3 Arnes Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz.

Sa press briefing sa Malacañang, iginiit ni Panelo na bagaman may mga nauna nang pahayag ang Pangulong Duterte na pagkakalooban niya ng pardon ang mga kagawad ng PNP at militar na makukulong dahil sa pagtupad sa kanilang tungkulin, hindi naman aniya kasama dito ang mga pulis at military na may ginagawang labag sa batas.

Malinaw aniyang may masamang intensiyon ang tatlong pulis Caloocan sa kaso ni Kian delos Santos at ito’y nakita ng korte dahilan upang ilabas nito ang murder conviction.

Dagdag ni Panelo na naipakita din sa kaso ni Kian na buhay at aktibong gumagana ang judicial system sa bansa.

Lumalabas na tumakbo lamang ng anim na buwan ang kaso ni Kian na isang katunayan na nagtatrabaho ang prosekusyon.  | ulat ni Alvin Baltazar