Caloocan LGU, nangunguna sa pamamahagi ng ECQ aid sa buong NCR

Kaugnay ng nagpapatuloy na pamamahagi ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) cash aid sa Metro Manila, ang pamahalaang lungsod ng Caloocan ang nangunguna at malapit ng matapos sa pamamahagi ng ayuda.

Sa datos na inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG), nasa 96.93% accomplishment rate sa pamamahagi ng ECQ ayuda ng Caloocan. Sinusundan ito ng Quezon City (94.96%), Mandaluyong (92.51%), Navotas (90.68%), Maynila (88.39%), Pateros (87.69%), at San Juan (80.40%).

Sa ngayon ay nasa P1.295 bilyong pondo ang naipamahagi ng lokal na pamahalaan sa 388,415 pamilyang benepisyaryo nito sa lungsod.

Lumalabas naman sa ginawang beripikasyon ng Caloocan City Social Welfare and Development Department na ang ilang dahilan sa hindi pag kuha ng ayuda ng ilan benepisyaryo ay dahil hindi na nakatira ang mga ito sa Caloocan, ang iba ay nasa probinsya na o nasa ibang bansa.

Kaugnay nito ay plano ng Caloocan na ipamahagi ang ayuda sa ibang miyembro ng 4Ps, registered solo parents at PWDs na hindi pa nakatatanggap ng cash aid.