Calamba shootout kahapon, iniimbestigahan na ng PNP-IAS

Photo from NCRPO

Iniimbestigahan na ng Philippine National Police Internal Affairs Service (PNP-IAS), ang naganap na shootout kahapon, sa pagitan ng mga pinaghihinalaang kidnapper at mga operatiba ng Regional Intelligence Division-Anti Carnapping Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ito ay sa gitna ng ulat, na posibleng pulis ang isa sa mga nasawing kidnaper matapos makakuha ng tsapa at identification card ng pulis sa van ng mga kidnapper.

Ang dalawang namatay na sakay ng van ay kinilalang sina George Laparan alyas Sarge at Raquel Cayetano alyas Totie.

Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, bukod sa IAS, iniimbestigahan din ng NCRPO ang insidente.

Sinabi ni Eleazar, na bagamat hinihintay pa nila ang resulta ng ginagawang imbestigasyon, ay malinaw na ang mga napatay na suspek ay sangkot sa pagdukot ng mga Chinese POGO worker.

Kalimitang modus raw ng mga kidnapper, ay magpakilalang pulis sa kanilang mga binibiktimang mga empleyado ng POGO.