CAFGU, abswelto na sa Sagay massacre

Inabswelto ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of staff General Carlito Galvez ang Citizens Armed Forces Geographical Units (CAFGU) sa naganap na pagpaslang noong Sabado ng siyam na magsasaka sa Sagay, Negros Occidental.

Sa isang press conference sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Galvez na pinasuri na nila lahat ng armas na naka-isyu sa CAFGU sa lugar at all accounted for ang mga ito.

Malayo rin aniya ang detachment ng CAFGU sa pinangyarihan ng massacre o may limang kilometro mula sa Hacienda Nene.

Kaya aniya tatlong anggulo na lang ang tinututukan ng mga imbestigador, sa ngayon ito ay ang posibleng papel ng mga hired goons ng may-ari ng lupa, ang mga unang claimant farmers at ang New People’s Army (NPA).

Pero sa ngayon aniya ay tila mas matimbang ang anggulo ng pagkakasangkot ng NPA, dahil mistulang isang coordinated propaganda campaign ang nangyayari ngayon para isisi sa gobyerno ang insidente.

Tinukoy ni Galvez ang sabay-sabay na pagtuturo ng pitong makakaliwang grupo, kabilang ang grupo ni dating Rep. Neri Colmenares at Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago, sa militar bilang responsable sa insidente kahit walang pruweba.

Kataka -taka din aniya ang mga isinagawang rally sa tapat ng Camp Aguinaldo ilang araw lang makalipas ang pangyayari, na mistulang pinaghandaan ng maaga. | ulat ni Leo Sarne

Photo by: PTV