CAAP Davao, aminado na may security lapses sa Francisco Bangoy Int’l Airport 

Inamin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Davao na nagkaroon ng security lapses sa Francisco Bangoy International Airport matapos makalusot ang Amerikanang may dalang 6-day old na bata na walang kaukulang papeles.

Ayon kay Davao Airport Manager Rex Obcena, mas nakatutok ang kanilang security personnel sa mga ipinagbabawal na bagay kaya hindi nito nabigyan ng pansin ang dalang sanggol dahil nakatago ito sa sling bag.

Kaugnay nito bilang corrective action, iniutos ni Obcena na lalong higpitan ang pagbabantay sa lahat ng layers ng security upang masigurong hindi maulit ang nangyaring pagpuslit ng bata na walang papeles.

Mas lalo pa umano nitong hihigpitan ang pagsunod sa batas na nagtakda sa pag-secure ng seguridad sa paliparan at gawing 24 hours ang mga city paid social workers ng City Social Services and Development Office (CSSDO) na siyang magche-check sa mga batang sasakay sa eroplano.