Byahe ng mga barko sa Batangas Port, pinayagan na ng Coast Guard

Balik operasyon na ang lahat ng byahe ng mga barko sa Batangas Port matapos itong kanselahin noong Martes ng gabi dahil sa bagyong Dante.

Alas-6 ng umaga kanina, June 3, pinayagan na ng Philippine Coast Guard na bumyahe ang mga barko.

Ito’y matapos alisin ng PAGASA Forecasting Center ang babala ng bagyo sa lalawigan ng Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Romblon, Antique, at Iloilo.

Agad namang dumagsa ang mga rolling cargoes sa Batangas Port Terminal matapos inanunsyo ng Philippine Coast Guard na pinapayagan nang bumyahe ang mga barko.

Wala na ring pasahero ang nananatili sa Provincial Sports Complex ng Batangas matapos silang payagan na makapasok sa Batangas Port Authority para sa kanilang pagsakay ng barko.