Bwelta ni Eleazar sa CHR: Gumagana ang sistema ng hustisya sa bansa

Pinalagan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang sinabi ng Commission on Human Right (CHR), na sana ay umepekto ang “domestic remedies” bago imbestigahan ng International Criminal Court (ICC), ang mga alegasyon laban sa giyera kontra droga ng pamahalaan.

Paliwanag ng PNP Chief, pag “domestic remedies” ang pag-uusapan, ay may mga ahensya ng pamahalaan na kasalukuyan ng tumitingin sa mga alegasyon ng human rights violations sa bansa.

Kabilang aniya sa “domestic remedies” na ito ang pagtutulungan ng PNP at Department of Justice (DOJ), sa pagrebisa ng mga kaso ng mga pulis na lumabag sa standard operating procedure sa mga anti-drug operations.

Ang kahandaan aniya ng PNP na ibigay ang mga dokumento patungkol sa mga kasong ito sa DOJ, ay patunay ng kanilang pagiging bukas sa pagpapanagot sa mga pulis na lumabag sa batas.

Giit ni Eleazar, gumagana ang sistema ng hustisya sa bansa at pursigido ang pamahalaan, na imbestigahan ang mga alegasyon ng pang-aabuso sa karapatang pantao sa pagsulong ng kampanya kontra droga.