‘Buy Filipino’ policy sa pagbili ng mga PPE, pinanawagan ni Sen. Recto

Isinusulong ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang pagpapatupad ng ‘Buy Filipino’ policy sa pagbili ng mga personal protective equipment (PPE).

Ayon kay Recto, dapat nang itigil ng pamahalaan ang pag-aangkat ng mga PPE mula sa ibang bansa tulad ng China lalo’t kaya naman itong gawin ng mga local manufacturer sa bansa.

Giit ng senador, ang pagpapatupad nito ay makakatulong pa sa pagkakaroon ng mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan.

Mungkahi ng mambabatas sa pamamahalaan na magbigay ng kapital sa mga municipal o barangay sewing groups upang may panimulang puhunan sa paggawa at pagbebenta ng mga washable face mask.

Maaari na aniya itong ikonsiderang isang uri ng ayuda ng pamahalaan sa ating mga kababayan sa halip na direkta silang bigyan ng pera.

Sinabi ni Recto na win-win solution na ito dahil mapoprotektahan na ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas maraming available na face mask at protective gear, mabibigyan pa ng trabaho ang ating mga mananahi.