Buwis na dapat bayaran ng POGO operators, ASAP

As soon as possible o ASAP ang ibinibigay na takda ng Department of Finance (DOF) para sa mga POGO operator upang bayaran ang kanilang tax liability sa gobyerno.

Ito ang binigyang diin ni Finance Undersecretary Karl Chua, sa harap ng nauna ng babala ni Finance Secretary Carlos Dominguez na ipatitigil nito ang operasyon ng mga may-ari ng POGO na magpahanggang ngayo’y hindi pa rin nakakabayad ng kanilang atraso.

Sinabi ni Chua, na seryoso ang pamahalaan na ipatupad ang kanilang regulasyon na ‘Oplan Kandado’ laban sa mga nagpapatakbo at workers ng POGO na patuloy na winawalang bahala ang kanilang responsibilidad na magbayad ng kaukulang buwis.

Wala aniya silang nakikitang dahilan para hindi magbayad ang mga kinauukulan lalo’t binabaan na nga nila ang buwis na dapat na bayaran ng mga ito.

May 130 notices na ang inisyu ng DOF kaugnay nito sa pag-asang makolekta ang tax liabilities na aabot sa P21.6 billion.