Butuan By-Pass Road project, tiniyak na matatapos na sa taong 2021 – Sec Villar

Matapos inspeksyunin, kampante si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na makukumpleto na ang konstruksyon ng Butuan By-Pass Road project sa unang bahagi ng taong 2021.

Ang bypass road ay katugunan na sa lumalalang traffic sa Butuan City-Cagayan de Oro-Iligan Road, na abala sa mabilis na mobility ng economic goods pati na sa biyahe ng mga commuter.

Kahit aniya masama ang panahon o may bagyo magiging accessible na ang mga kalsada para sa mga bumibiyahe mula silangan-pakanluran at hindi na maaabala ang delivery ng goods at serbisyo sa publiko.

Ang konstruksyon ng Butuan By-Pass road mula Bancasi hanggang Antongalon ay pinasimulan noong taong 2006, na pinondohan ng JICA bilang road component para sa construction ng kauna-unahang cable-stayed bridge sa Mindanao, ito ang Diosdado Macapagal Bridge.

Kabilang sa proyekto ang road opening, road upgrading, concrete road widening, construction at widening ng concrete bridges, river bank protection, reblocking at asphalt overlay. | ulat ni Rey Ferrer