Burden of proof, nasa nag-aakusa kay Sec. Diokno para patunayan ang mga alegasyon

Na kay Minority Floor Leader Danilo Suarez ngayon ang burden of proof upang patunayan ang mga naging alegasyon nito kay Budget Secretary Benjamin Diokno.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa gitna ng umano’y P2-billion peso budget allocation ng Department of Budget and Management (DBM) para sa infrastructure projects ng Sorsogon, na ayon kay Suarez ay may anggulo ng conflict of interest.

Pahayag ni Panelo, kung sino ang nag-aakusa ay siyang dapat na maglabas ng patunay o katibayan.

Termino nga ng tagapagsalita ng Pangulo, napaka-elementarya nito sa larangan ng batas na kung saan, kailangang lakipan ng kaukulang ebidensiya ang isang paratang.

Pero habang hindi aniya napatutunayan ang nasabing akusasyon, sinabi ni Panelo na hindi magbabago ang pagkakilala ng Malacañang sa integridad ni Secretary Diokno.

Hindi aniya matitinag ang aniya’y presumption of competence and integrity nila sa DBM Chief kung pawang mga alegasyon pa lamang ang lumalabas ng walang kaakibat na matibay na ebidensiyang magdidiin sa kalihim.   | ulat ni Alvin Baltazar