Buong Negros, pinag-aaralang ideklarang Land Reform Area

Ikinukunsidera ng Pangulong Rodrigo Duterte na ideklara ang buong Negros bilang Land Reform Area.

Ito’y dahil na rin sa walang tigil na karahasan bunsod ng away sa lupa.

Ayon sa Pangulo, lupa ang tunay na problema sa Negros kaya’t mayroong patayan at ginagawang rason ito ng mga makakaliwa para mang-agaw ng lupa at pumasok sa mga plantasyon ng tubo.

Panahon na aniya na tanggapin ng mga hasyendero ang katotohanan na kailangang ipatupad ang repormang pang-agraryo.

Ayon pa sa Presidente, ginagamit ng mga komunista ang isyu ng lupa at bumubuo sila ng pederasyon ng mga magsasaka, maghanap ng bakanteng lupa o pasukin ang mga plantasyon.

Binalaan din ng Pangulo ang mga komunista na huwag mangamkam ng mga lupain dahil palalayasin sila ng mga militar.  | ulat ni Alvin Baltazar