Buntis na policewoman, pang 98 nasawi sa PNP dahil sa COVID

Isang buntis na policewoman sa General Santos City ang naging pang 98 tauhan ng Philippine National Police (PNP), na nasawi dahil sa COVID-19.

Ayon sa PNP Health Service, ang 31 taong gulang na imbestigador ay ipinasok sa provincial hospital noong August 5, dahil sa hirap sa paghinga.

Bago siya binawian ng buhay noong August 13, naisailalim pa siya sa emergency cesarean operation noong August 10, kaya naligtas ang kanyang sanggol.

Noong una pa man ay mahigpit ang bilin ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, na dapat ay work from home na ang mga buntis at mga NUP.

Samantala, ang pang 97 tauhan ng PNP na nasawi dahil sa COVID-19 ay isang 52 taong gulang na Intelligence Operative, na assigned sa Metro Manila.

Nitong August 14 siya binawian ng buhay sa isang ospital, bagamat siya ay fully vaccinated na noong July 14.