Buko vendor na binugbog ng MMDA, hindi pa maipresinta sa Korte sa Masbate dahil sa seguridad

Problema sa seguridad ang idinahilan ng CIDG kung bakit hindi pa nila madala sa Masbate ang buko vendor na si Romnick Relos na binugbog ng MMDA.

Si Relos, kasama ang kanyang dalawang kapatid na si Dondon at Roy Relos, ay nakatakda sanang iharap ng CIDG sa korte sa Masbate na nag-isyu ng arrest warrant sa mga ito sa hiwalay na kasong murder na kinasangkutan ng mga ito noon pang 2007.

Ayon kay PSupt. Richard Verceles, chief ng Detective and Special Operations Unit ng PNP CIDG, hindi pa nila magawa ito dahil kailangan nilang ikunsidera ang seguridad sa lugar.

Hindi lang para sa magkakapatid na akusado kundi pati na rin sa mga tauhan ng CIDG.

Sinabi ni Verceles na nakapagharap na ng kasong Physical Injury at Grave Threats si Romnick sa Pasay Prosecutors Office kontra sa tatlong tauhan ng MMDA na nambugbog sa kaniya.

Pero aniya, kailangan pa rin panagutan ng magkakapatid ang kasong murder na kinasasangkutan nila.

Nasa korte na ang desisyon kung saan ikukulong ang magkakapatid na Romnick, Dondon at Roy Relos.  | via Leo Sarne