Bukas sa sinuman ang pagsilip sa operasyon ng Malasakit Centers – Sen. Go

Dumipensa si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa akusasyon ni Representative Edcel Lagman na nagagamit lamang bilang partisan tool ang mga Malasakit center.

PANOORIN | Ang sagot ni Senador Bong Go sa paratang ni Cong. Edcel Lagman na nagagamit ang PCSO sa partisan na Malasakit Center nito sa mga hospital. | via Armando Fenequito | RP1 Davao

Posted by Radyo Pilipinas on Friday, August 23, 2019

Giit ni Go, walang pinipiling tulungan ang mga malasakit center at hindi kinokonsidera ang anumang political considerations, edad, kasarian o relihiyon sa pagtulong ng mga center.

Binigyang-diin ng senador, na itinayo ang mga malasakit center bilang bahagi ng pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng one-stop shop assistance center at mabilis na pagtulong para sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong-medikal.

Dagdag pa ni Go, isa lang ang PCSO sa mga ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng medical assistance.

Magkakatuwang aniya ang Philhealth, DOH, DSWD, PCSO at Malasakit center sa pagiging processing center, sa mga pampublikong ospital upang hindi na pipila pa ng matagal sa iba’t ibang opisina ng gobyerno ang mga nangangailangan ng tulong medikal.

Hindi rin aniya nagbibigay ng pondo ang PCSO sa pagpapatayo ng mga malasakit center.

Giit ng senador, pareho lang ang ginagawang medical assistance program ng mga ahensyang ito kahit pa bahagi sila ng malasakit center.

Nagsisilbi lang aniyang streamlining mechanism ang Malasakit Center para sa iba’t ibang serbisyong inaalok ng mga ahensyang ito.

Sa huli, giniit ni Go na bukas siya sa sinumang nais imbestigahan at silipin ang operasyon ng mga malasakit center.