Budget Sec. Benjamin Diokno, sasagot sa Show Cause Order ng Kamara

Handang tumugon si Budget Secretary Benjamin Diokno sa Show Cause Order ng House Committee on Appropriations.

Target ng naturang hakbang ng Kongreso na paharapin ito sa susunod na Committee hearing at pagpapaliwanagin kung bakit hindi siya dapat ma-“cite in contempt”, bunsod ng kabiguan niyang dumalo sa mga nakaraang hearings hinggil sa sinasabing anomalya sa National Budget.

Sinabi ni Diokno na sa ngayon ay hindi pa niya natatanggap ang nasabing Show Cause Order, subalit ginarantiya nito na kanya itong tutugunan.

Tumanggi namang linawin ni Diokno kung ibig sabihin nito ay sisipot na siya sa susunod na pagdinig.

Una dito’y sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na kanila ng ipinauubaya kay Diokno kung paano nito tutugunan ang Show Cause Order ng Mababang Kapulungan.

Handa naman aniyang magbigay ng payo ang Palasyo sa kanya kung kinakailangan, na maaaring isangguni sa pulong ng Gabinete.  | ulat ni Alvin Baltazar