Budget para sa COVID-19 response, tinalakay sa pagpupulong ng ilang senador sa 3 pandemic czar ng gobyerno

Nakipagpulong sina Senate President Vicente Sotto III at Senador Panfilo Lacson kagabi kina vaccine czar Carlito Galvez Jr., testing czar Vince Dizon at contact tracing czar Mayor Benjamin Magalong para pag-usapan ang pondong kinakailangan ng bansa para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic gayundin ang isyu ng red tape na nakakasagabal sa ating COVID-19 response. 

Ayon kay Lacson, kabilang sa mga ibinahagi ng tatlong czar ang pangangailangan na isama sa 2022 budget ng Department of Health (DOH) ang ₱90-billion pesos na pondo para sa pagbili ng mga bakuna sa halip aniya na ilagay ito sa unprogrammed funds. 

Sinabi rin aniya ng tatlong czar sa mga senador na kailangan nila ng ₱20-billion pesos sa ilalim ng binubuong Bayanihan 3 ngayong taon.

Bukod dito, natalakay rin aniya ang kinakailangang legislative action para masugpo ang red tape sa Food and Drug Administration (FDA).

At ang commitment ng business sector na maglagay ng espasyo sa mga mall at hotel para sa 5,000 vaccination centers, 1,200 dito ang ilalagay sa National Capital Region (NCR).

Sa pamamagitan aniya nito ay makakamit ang pagbabakuna sa 58 milyong mga Pilipino sa katapusan ng taong ito. 

Giit ni Lacson, mahalaga ang kooperasyon ng lahat para makamit na ng bansa ang target nating herd immunity.