Budget hearing para sa National Expenditure Program, sisimulan na ng Kamara sa Agosto 22

Sa kabila ng dalawang holiday sa susunod na linggo, sisimulan na ng House of Representatives ang budget hearing para sa proposed P4.1-Trillion 2020 National Budget.

Huwebes ng susunod na linggo, Agosto 22, unang isasalang ang Department of Budget and Management (DBM), National Economic Development Authority (NEDA), Department of Finance (DOF) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Habang sa Biyernes, Agosto 23, ay haharap naman ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ayon kay House Committee on Ways and Means Chair Joey Salceda, posibleng gayahin nila ang sistema na ipinatupad noon ni dating Appropriations Chair Karlo Nograles, para mapabilis ang proseso ng pagdinig, lalo’t target nilang maipasa ang pambansang budget bago ang break ng Kongreso sa October 5.