BuCor, nag-alok ng reward money para mahanap ang nalalabing puganteng inmate ng NBP

Magkakaloob ng pabuya ang Bureau of Corrections (BuCor) sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon, para sa ikaaaresto ng ikatlong inmate sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) na tumakas kahapon ng hatinggabi.

Ayon sa BuCor, P100,000 ang reward money para sa makapagtuturo sa lokasyon ng suspek na si Drakilou Falcon, na itinuturing na armado at mapanganib.

Ipinunto ng ahensya, na nakasalalay ang kaligtasan ng publiko kaya hindi ito titigil hangga’t hindi nahahanap ang nalalabing pugante.

Una nang napatay ng BuCor personnel at Muntinlupa City Police ang inmates na sina Pacifico Adlawan at Arwin Bio, matapos umanong makipagbarilan sa kasagsagan ng manhunt operation.

Nasawi ang dalawa sa magkahiwalay na operasyon, ngunit parehong natagpuan malapit sa Muntinlupa-Cavite Expressway.