BuCor Chief Nicanor Faeldon, sinibak na ng Pangulo sa pwesto

Sibak na sa pwesto si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon.

Ito ang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng usapin ng paglaya ng mga high profile inmate na nakagawa ng heinous crime at sa muntik na paglaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Ayon sa Pangulo, hindi niya nagustuhan ang hindi pagsunod ni Faeldon sa kaniyang utos.

Kung sinunod lamang aniya ni Faeldon ang sinabi niya na “No release”, pirmado man ang Release Order o hindi, ay wala sanang problema.

Gayunpaman ipinilit pa raw ni Faeldon na i-justify ang paglaya ng ibang inmates.

Kaugnay nito, pinaiimbestigahan rin ng Pangulo sa Office of the Ombudsman ang implementasyon ng BuCor sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Aniya, para sa mga opisyal at kawani ng BuCor na may kinalaman dito, hindi niya muna sisibakin sa pwesto ang mga ito, gayunpaman nananatili naman silang subject for investigation.

Sinabi ng Pangulo na dapat makipag-ugnayan o makipagtulungan sila sa pamahalaan at isiwalat ang kanilang nalalaman kaugnay dito.