BuCor Chief Faeldon, hindi magre-resign

Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon na hindi siya magbibitiw sa pwesto.

Ito ay sa kabila ng mga kontrobersiya ngayon sa ahensyang pinamumunuan niya dahil sa napaulat na maagaang pagpapalaya sa mga heinous crime convicts.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon tungkol sa isyu, sinabi ni Faeldon na ipinauubaya na niya sa appointing authority o kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedesisyon kung nararapat na ba siyang palitan bilang pinuno ng BuCor.

Naniniwala rin ang BuCor chief na maayos ang trabahong ginagawa niya sa ahensya kaya wala siyang dahilan para mag-resign.

Muling naharap sa kontrobersiya si Faeldon matapos lumabas sa publiko ang impormasyong ilang heinous crime convicts ang napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Kabilang na diyan ang ilang high profile inmates gaya ng convicted rapist-murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Diumano’y pinirmahan ni Faeldon ang release order para sa dating alkalde pero sa pagdinig sa Senado kahapon, sinabi nitong memorandum order lang na nagrerekomenda sa pagproseso ng bilanggo ang kanyang pinirmahan.

Ngayong umaga, ipinagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee ang pagdinig sa usapin ng GCTA law.