BuCor Chief Bato Dela Rosa, tatakbo lang sa pagka-senador sa 2019 midterm elections kapag ito ang gusto ng Pangulong Duterte

Para kay Bureau of Corrections Director General at dating PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa, ang pagtakbo sa pagka-senador sa 2019 midterm elections ay mangangailangan ng basbas ng Pangulong Duterte.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa Senado, sinabi ni Dela Rosa na malaking bagay ang endorsement ng Pangulong Duterte kaya’t pupuwede lang umano siyang tumakbo sa darating na 2019 senatorial election kapag ito’y manggagaling kay Pangulong Duterte.

Diin pa niya na walang Bato kung walang Digong, ang palayaw ng Pangulo.

Mababatid sa pahayag na ito na kailangan niya ang political machinery ng partido ng Pangulong Duterte, ang PDP Laban, para siya’y makapagpapatayo ng isang epektibong political campaign.

Nabanggit din ni Dela Rosa na kakayanin niyang ma-accomplish ang kanyang misyon sa Bureau of Corrections na mabura mula sa bilibid ang iligal na droga bago dumating ang Oktubre o sa panahon ng paghahain ng certificate of candidacy para sa midterm elections.

Kapag siya’y palarin na mapunta sa Senado, sinabi ni Dela Rosa na kabilang sa kanyang adbokasiya ay ang peace and security, ang national ID system at paggamit ng lahat ng post paid cellphones sapagkat ang gamit ng mga sindikato sa droga ay prepaid. | via Jojo Ismael