BRP Ramon Alcaraz, darating ngayong araw matapos ang misyon sa Thailand, Vietnam

Darating ngayong araw sa Pier 13 ng Manila South Harbor ang BRP Ramon Alcaraz na bahagi ng Naval Task group 80.5, matapos ang matagumpay nitong pakikilahok sa ASEAN-US Maritime Exercise (AUMX) sa Thailand at pagbisita sa Vietnam.

Ang task group na pinamumunuan ni Captain Hilarion Cesesta ay pagkakalooban ng isang welcome ceremony mamayang alas-3 ng hapon.

Photo by PN

Ang BRP Ramon Alcaraz ay naging bahagi ng 7 barkong pandigma, at 3 aircraft mula sa Estados Unidos At ASEAN navies, na lumahok sa AUMX sa Gulf of Thailand mula Setyembre 2 hanggang 6.

Ayon Kay Capt. Cesesta, naipakita ng Philippine Navy sa naturang ehersisyo ang kakayahan nito na makapag-operate kasama ang mga dayuhang Navy para sa pagtataguyod ng kapayapaan at stabilidad sa rehiyon.

Photo by PN

 

Mula sa Thailand bumiyahe ang BRP Ramon Alcaraz patungo sa Ho Chi Minh, Vietnam para sa isang port visit mula Setyembre 7 hanggang 10.

Ito ang pangatlong pagbisita ng barkong pandigma ng Pilipinas sa Vietnam na mas nakapagpatatag sa ugnayan ng Philippine Navy at Vietnam People’s Navy.