Brgy. Tatalon sa QC, apektado ng ASF

Tatlong barangay na sa Quezon City ang may kaso ng African Swine Fever (ASF).

Apektado na rin ng ASF virus ang Barangay Tatalon matapos lumabas ito sa pagsusuri ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa tissue sample mula sa isang patay na baboy na itinapon sa Araneta Avenue at Kaliraya St. nitong nakalipas na mga araw.

Sinabi ni Agriculture Secretary William Dar, sinimulan na rin ang ‘culling’o pagpatay sa mga baboy sa nasabing barangay kasabay ng pagpapatupad sa 1-7-10 protocol ng Department of Agriculture (DA).

Inaalam pa ng DA kung papano nakarating o nai-transmit ang ASF virus sa mga alagaing baboy sa Barangay Tatalon pero duda ang kalihim na nahawa ito sa dalawang barangay na unang nagpositibo sa virus.

Sa panig naman ng QC government, sinabi ni Mayor Joy Belmonte, na konti lang ang backyard hog raisers sa Barangay Tatalon.

Abot na sa 20 na baboy ang isinailalim sa culling mula sa kabuuang 60 na bilang.

Asahan daw na ngayong araw ay ma-contain na sa ASF ang nasabing barangay ngayong araw.

Una nang umusbong ang ASF virus sa Barangay Bagong Silangan at Barangay Payatas pero dahil sa maagap na pagtugon ng city government ay na-contain na ito.