Brgy. officials, dapat ituring na regular na empleyado ng gobyerno

Isinusulong nina Senador Francis Tolentino at Senador Christopher ‘Bong’ Go na mabigyan ng mga insentibo ang mga opisyal ng barangay.

Paliwanag ng dalawang senador, ang mga barangay official ang nasa forefront ng pagbibigay ng serbisyo publiko kaya’t nararapat lamang na matutukan ang nararapat na benepisyo para sa kanila.

Sa Senate Bill 215 ni Tolentino, bubuo ng isang Magna Carta for Barangay Officials. Sa ilalim nito, ituturing nang mga regular government employee ang mga barangay officials.

Dahil dito, covered na sila ng Government Service Insurance System (GSIS) na makapagbibigay sa kanila ng life insurance, retirement, disability, separation at unemployment benefits.

Ngunit hindi tulad ng mga regular government employee, exempted sa income tax ang kanilang mga sweldo at benefits.

May kaparehong panukala rin si Senador Christopher ‘Bong’ Go – ang Senate Bill 391.

Bukod sa benepisyo ng mga opisyal ng barangay, binibigyang diin ng panukala ni Go ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat barangay, gaya ng pagkakaroon ng regular na suplay ng malinis na tubig, access sa maayos na public transport, at ang pagkakaroon ng karapatan sa mga paraalan, health centers at barangay hall.

Natalakay ang mga panukalang ito kanina sa pagdinig ng Senate Committee on Local Government katuwang ang Committees on Ways and Means; Finance; at Government Corporations and Public Enterprises.