Border ng bansa, di pa rin bubuksan kahit maging maluwag na ang quarantine status sa susunod na linggo — Palasyo

Mananatiling nakapinid ang borders ng Pilipinas kahit na magluwag pa ng quarantine classification sa May 15.

Sinabi  ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kahit maging General Community Quarantine (GCQ) na ang National Capital Region (NCR) Plus at iba pang bahagi ng bansa ay bawal pa rin ang turismo at tanging ang mga dayuhan lamang aniya na mayroong investors visa ang papayagang makapasok sa Pilipinas.

Binigyang-diin ni Roque na lalong hindi bubuksan ng bansa ang borders nito sa mga manggagaling ng India, Pakistan, Nepal, Bangladesh, at Sri Lanka na kailan lamang ay pinatawan ng pamahalaan ng travel ban.

Normal lang aniya ito dahil sa pag-iwas na mapasok ng double mutant variant ng COVID-19 mula India.

Epektibo ang travel ban sa India at mga kalapit bansa nito hanggang May 14 ngayong taon subalit maaari aniya itong mapalawig.