Boracay sisiguruhing casino free, ayon sa Inter Agency Task Force

Sa harap ng muling pagbubukas ng Boracay, muling nagparamdam si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa kanyang posisyon na hindi siya kailanman papayag na magkaroon ng casino sa isla.

Mas maigi pa ayon sa Presidente na ipamigay sa mga tunay na may ari na pawang mga katutubo ang bahagi ng mga lupain sa isla.

Kaya tiniyak ng Boracay Inter-agency Task Force, na walang mag-ooperate na casino sa re-opening ng isla bukas para sa mga turista.

Ito ay kahit nagsumite na ng sertipikasyon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga casino operator sa Boracay na hindi na sila mag-ooperate pa.

Sinabi ni DENR Undersecretary Jonas Leones, na mahigpit ang direktiba ng Pangulo na ayaw nito ng casino sa Boracay at siguruhing walang makalulusot na sinumang negosyante roon.

Kaugnay nito ay kinumpirma ni Leones, na hiniling ng Inter-Agency Task Force sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na kanselahin o bawiin na ang inisyung lisensiya sa mga casino sa isla. | ulat ni Alvin Baltazar