Board of Inquiry, iimbestigahan ang pagkakabihag ng NPA sa 2 sundalo at 12 CAFGU sa Agusan del Sur

Isang board of Inquiry ang nilikha ng 4th Infantry Division ng Philippine Army para imbestigahan ang pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa isang Army detachment sa Brgy. New Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur nitong Miyerkules ng madaling araw.

Sa naturang insidente, dalawang sundalo at 12 CAFGU ang nabihag ng NPA at 24 na matataas na kalibre ng armas ng militar ang kanilang natangay.

Aalamin sa naturang imbestigasyon kung nagkaroon ng pagkukulang sa panig ng militar na humantong sa naturang insidente.

Tiniyak ni Maj. Gen. Ronald Villanueva, Commander ng 4th ID na mapaparasuhan ang sinumang sundalo na mapatunayang nagkaroon ng kapabayaan sa kanilang tungkulin.

Magugunitang una nang itinaas ang alerto ng militar kaugnay ng inaasahang pag-atake ng NPA sa pagdiriwang ng kanilang ika-50 anibersaryo.

Ipinaalala naman ni Villanueva sa NPA na ang kanilang mga binihag na mga sundalo ay protektado ng International Humanitarian Law (IHL), na nagre-require sa NPA na ipaalam sa mga pamilya ng kanilang mga bihag ang kalagayan at lokasyon ng mga ito, at pahintulutan ang mga bihag na makontak ang kanilang pamilya.   | ulat ni Leo Sarne