Board member-brodkaster, kinasuhan kaugnay sa pagbabalik operasyon ng KAPA 

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) 11 si Davao del Sur board member at broadcaster Arvin Malaza na kilala bilang “Jun Blanco” ngayong araw dahil sa pagbabalik ng operasyon ng KAPA  Community Ministry International Incorporated sa naturang probinsya.

Sinampahan si Malaza ng mga kasong paglabag sa Republic Act 8799 o ang Securities Regulation Code, large scale at syndicated estafa sa inquest proceedings sa Davao del Sur Provincial Prosecutor’s Office.

Sa panayam kay NBI 11 spokesperson Special Investigator Joel Ayop, may mga nakuhang ebidensya na nagtuturo na si Malaza ang isa sa mga nangunguna sa pagbabalik ng operasyon ng naturang investment scheme sa bansa.

Ayon kay Ayop, ilan sa mga ebidensyang nakalap ay ilang mga papeles ng KAPA kung saan si Malaza ang nakapirma.

Inaresto ng mga operatiba ng NBI 11 si Malaza matapos itong pumasok sa opisina ng KAPA sa Digos City habang nagsasagawa ng entrapment operation.

Ani Ayop, kinikwestyon ni Malaza ang kanilang operasyon kaya isinama ito sa mga dinampot ng NBI 11 kahapon.

Inamin naman ni Malaza na kinuwestyon niya ang legalidad ng operasyon ng NBI pero itinanggi nito na may kinalaman siya sa pagbabalik operasyon ng KAPA sa naturang probinsya.

Pero inihayag ni Ayop na ang radio station na pagmamay-ari ni Malaza at ang opisina ng KAPA ay nasa iisang compound lang sa Daang Magsaysay corner Mabini sa Digos City.