BJMP, tiniyak na hindi kukunsintihin ang mga tauhan na masasangkot sa illegal drugs

Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)  na masisibak sa pwesto ang sinumang tauhan nito na masasangkot sa iligal na droga.

Ang pahayag ay ginawa ni BJMP Spokesperson Jail Chief Inspector Xavier Solda kasunod ng pagkakaaresto ng pulisya kay SJO2 Milandro Lee dahil sa pagkakasangkot sa bawal na droga.

Aniya, sinumang BJMP personnel na pumasok sa illegal drug activities ay walang karapatan na magsuot ng kanilang uniporme lalo pa at nanunungkulan sa gobyerno.

Gayunman, ikinalulungkot ng BJMP na may mga tauhan sila na naging biktima din ng iligal na droga. Pero dapat lamang na hulihin sila at makulong sapagkat maliwanag na nilabag nila ang batas.

Si SJO2 Lee ay kasalukuyang binubuno ang isang taong suspensyon dahil sa kinahaharap na kasong administratibo nang mahuli ng pulisya. | ulat ni Rey Ferrer