BJMP, idineklarang drug-free na ang Manila City Jail

Itinuturing ng Bureau of Jail Management and Penology na drug-free na ang Manila City Jail.

Ginawa ni BJMP Chief Deogracias Tapayan ang pahayag kasunod ng napaulat na may drug paraphernalia na nasamsam sa greyhound operations na isinagawa ng Manila Police District at Philippine Drug Enforcement Agency sa Manila City Jail.

Ayon kay Tapayan, mga sigarilyo at pinatuyong dahon ng tabako at mga cellphones ang kabilang sa mga nakuhang kontrabando sa biglaang inspection.

Sa katunayan may certification ang PDEA-Special Enforcement Service na nagdideklara sa Manila City Jail male dorm na drug-free jail facility.

Tiniyak ni Tapayan na gagawin nilang tuluy-tuloy ang massive greyhound operations sa lahat ng district, city at municipal jails sa buong bansa upang matiyak na malinis sa iligal na droga ang mga piitan. | ulat ni Rey Ferrer