BJMP, agad tinanggap ang hamon ni Pangulong Duterte sa SONA para sa mabilis na frontline services

Bilang pagtalima sa tagubilin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na pabilisin ang frontline services at mga proseso sa gobyerno, agad na umaksyon si Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Chief Jail Director Deogracias Tapayan para doblehin ang trabaho sa pagbibigay-solusyon sa problema ng congestion o pagsisiksikan ng mga bilanggo sa detention facilities sa bansa.

Sa isinagawang BJMP Conference ng Directorate for Logistics, iniutos ni Tapayan ang mas agresibong konstruksyon ng jail facilities.

Puntirya ng ahensya na mabawasan ang congestion rate mula 3,812% patungong 657%.

Aniya, nakumpleto na ang konstruksyon ng pitong bagong jail building sa bansa na ginastusan sa ilalim ng 2018 budget.

Ito ay ang New Cabagan District Jail sa Isabela, Baliuag Municipal Jail at Meycauayan City Jail sa Bulacan, Pagbilao District Jail sa Quezon Province, San Juan Municipal Jail sa Batangas, Tabaco City District Jail sa Region V, Talibon District Jail sa Bohol, Lapu-Lapu City Jail Male-Dorm at New Argao District Jail sa Cebu City, at Montevista District Jail sa Davao Del Norte.

Ngayong 2018, pitumpung jail facility project ang isasakatuparan sa Regions 1, 3, 7, 9 at 11. | ulat ni Rey Ferrer