BIR, hinikayat ang publiko na makilahok sa kanilang reward system sa kampanya nito kontra tax evaders

Nagpaalala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na umiiral pa rin ang reward system na kanilang ipinatutupad sa ahensiya.

Ito ang binigyang-diin ni BIR Deputy Commissioner Marissa Cabreros sa ginawang pagtungo nito kamakailan sa Malacañang.

Pero paglilinaw ni Cabreros, ang pabuya ay nakalaan lamang para sa mga complainant na maghahain ng pormal na salaysay sa kanilang Prosecution Division.

Sa kabilang banda’y hindi naman saklaw ng reward system ng BIR ang mga magsusumite ng tinatawag na confidential information kontra sa isang non-paying taxpayer o anonymous complainant.

Bukod sa non-payment of tax, kabilang din ani Cabreros sa mga maaring ireklamo ay ang hindi pag-iisyu ng resibo habang pwede ring isuplong sa kanila ang mga tiwaling kasamahan sa Kawanihan ng Rentas Internas.

Maaari din daw idaan ang reklamo sa e-complaint@bir.gov at ito aniya ay kanilang tinutugunan.  | ulat ni Alvin Baltazar