Binga Dam, nagpapakawala na ng tubig – PAGASA

Nagpapakawala na ng tubig ang Binga Dam sa Itogon, Benguet.

Ayon sa ulat ng PAGASA Hydrometeorology Division, binuksan na ng hanggang .05 meters ang isang gate ng dam para sa pagbawas ng tubig.

Lahat ng tubig mula sa Binga ay diretso sa San Roque Dam sa Pangasinan.

Pinayuhan na ng PAGASA ang mga residente malapit sa mga dam na maging alerto sa posibilidad na pagtaas ng tubig sa mga ilog at iba pang daluyan.

Base sa pinakahuling update sa nabanggit na mga dam, nasa 574.28 meters na ang antas ng tubig sa Binga, halos pantay na sa normal water elevation nito na 575 meters.

Habang nasa 263.63 meters naman ang lebel ng tubig sa San Roque dam mula sa normal water elevation na 280 meters.

Bukod sa Angat, Ipo, La Mesa at Binga Dam, tumaas din ang antas ng tubig sa Ambuklao, Pantabangan, Magat at Kaliraya Dam.

Sa pagpasok ng bagyong Jenny, asahan nang madadagdagan pa ang lebel ng tubig sa mga dam.