PRRD-Pres. Putin bilateral meeting, naging mabunga – Palasyo

Mabunga at magaan ang naging paghaharap nina Pangulong Rodrigo Duterte at ni Russian President Vladimir Putin kaugnay ng ginawang bilateral meeting ng dalawang lider sa Sochi, Russia.

Ganito inilarawan ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo ang naging pag-uusap ng Pangulo at ni Putin, na aniya ay naging mainit ang pagtanggap sa Punong Ehekutibo at kasama nitong delegasyon.

Ilan sa mga nabanggit ng Pangulong Duterte kay Putin ay ang pagbubukas kapwa ng dalawang  bansa ng defense attaches na isa aniyang indikasyon ng long-term commitment upang mas lalong mapalakas ang relasyon  ng Pilipinas at ng Russia.

Nabanggit din ng Pangulong Duterte sa kanilang pag-uusap ang progreso ng relasyon ng dalawang bansa na sa nakalipas na mga taon ay lalo pang pinalakas ng goodwill na ipinakita ng dalawang bansa sa isa’t isa.

Sa panig naman ni President Putin, sinabi  niyang mahalagang partner ng Russia ang Pilipinas sa Asia na dito ay kapwa nakakabenepisyo ang dalawang bansa sa kanilang bilateral cooperation.

Marami na rin aniyang tagumpay ang nakamit ng dalawang magkaibigang bansa sa larangan ng  trade and economic cooperation. Handa ani Putin sila na mas palawigin pa ang partnership ng Pilipinas at Russia kung pag- uusapan ay pagsugpo sa terorismo.